Sa Iyong Pagtulog
Ang liwanag ng iyong kwarto ay nanggagaling sa apoy ng kandilang may gulang na 5 araw
Mabango at malinis ang paligid – Ineengganyo kang matulog at managinip kasama ang iyong mga mahal sa buhay
Kaya’t inaya mo silang sumama sa iyo sa paraiso at sila nama’y sumunod
Ngunit nang hawakan mo ang kanilang mga kamay ay nalaman mong sila ay multo
Mga multong nag-aakala na sila ay buhay
Tiningnan mo ang sarili mong mga kamay at ipinaraan ang mga daliri sa iyong mainit na pisngi
Nangiti ka – Ikaw ay buhay
Natuwa ka, natawa ka
Ngunit napatigil ang iyong pagtawa nang makita mo ang iyong mga mahal sa buhay
Sila ay patay
Unti-unti nang nauubos ang kanilang mga ala-ala kasama ng kanilang laman
Nabubura ang kanilang itsura
Sinubukan mo silang habulin ngunit sila’y tumakbo palayo
Tinawag mo sila pero ano nga ba ang kanilang mga pangalan?
HINDI MO ALAM
Hindi sa nakalimutan mo kundi hindi mo lang talaga alam
Nalungkot ka, umiyak ka
Sa pagpatak ng luha sa lupa ay naghanap ka ng dahilan
Dahilan sa iyong pag-iyak
Bakit nga ba?
Walang dahilan para umiyak
Nakita mong muli ang mga taong iyong tinangkang habulin kanina
Sino sila?
Hindi mo sila nakikilala.
Sinubukan ka nilang hawakan pero nalaman nila na ikaw ay multo
Multong nag-aakala na siya’y buhay
Tiningnan mo ang sarili mong mga kamay – wala kang mga kamay
Sumigaw ka ngunit wala kang nadinig
Hindi sa hindi ka na nakakarinig kundi hindi ka na nakakasigaw
Sinubukan mong umiyak muli
Ngunit wala ngang dahilan para umiyak
Isa pa, hindi ka na rin nakakaiyak
Inantok ka, humiga ka
Ito na lang yata ang puwede mong gawin
Ang liwanag na nanggagaling sa kandilang may gulang na 5 araw ay unti-unti nang kinakain ng kadiliman
Sa iyong pagtulog ay ipikit mo ang iyong nagdurugong mata
Matulog nang walang pangamba
Matulog ka ng walang liwanag o dilim na nakikita
Ipaghehele kita
Matulog ka.
grasseseatcows
4/28/2006 02:58:00 AM